Thursday, January 20, 2011

Dinilawang Kanduli

Ito ang Diniliwang Kanduli o isdang Kanduli na niluto sa luyang dilaw. Masarap pang ulam o pampulutan. Nalalasahan mo ang linamnam ng laman ng kanduli, na may bahagyang asim at anghang mula sa mga sangkap na inihalo dito.

Mga Sangkap:
isdang kanduli
luyang dilaw (alisan ng balat at dikdikin)
siling haba (hiwain ng manipis)
usbong ng alagaw (hiwain ng pino)(pwede wala nito, baka kasi wala sa inyong lugar)
paminta (buo)
kamatis (hiwain ng maliliit)
sibuyas (hiwain)
bawang (dikdikin at alisin yung balat)
suka
mantika
asin
vetsin
tubig


Paraan ng Pagluluto:
1. Linisin ang isdang kanduli, putulin sa dalawa (depende sa laki ng mabibiling isdang kanduli).
2. Maglagay ng mantika sa kawali, kapag mainit na ang mantika ay ilagay ang bawang, sibuyas, kamatis, sili, luyang dilaw at paminta. Haluin at hintaying maluto ang kamatis. Ilagay ang kanduli at gisahin sandali. Lagyan isang tasang tubig, takipan at hintaying kumulo. Kapag kumukulo na, lagyan ng 3 kutsarang suka, asin at vetsin at muling takipan. Hayaang kumulo sa ng dalawang minuto bago bahagyang haluin para hindi mahilaw ang suka. Tikman ayon sa inyong panimpla sa alat. Hanguin na sa kalan kapag luto na ang isda upang hindi masobrahan sa pagkakaluto.


Pagkatapos nito ay handa na ang masarap Dinilawang Kanduli, pwede ng ihain.

Wednesday, January 19, 2011

Ano nga ba ang PAGKAING PINOY?

Kapag nabanggit ang PAGKAING PINOY, kaagad pumapasok sa ating isipan yung mga masasarap na pagkain, pang-ulam, pampulutan, minatamis o kahit simpleng meryenda. Ibat-ibang putahi o lutuin na tunay namang katakam takam, maging ito man ay simple o espesyal, mapa simpleng kainan o magarbong handaan. Tunay ngan hindi magpapahuli tayong mga Pinoy pagka ang pag-uusapan ay tungkol sa pagkain. Madali tayong makagawa ng espesyal na putahi mula sa mga bagay na matatagpuan sa ating lugar, na tunay namang nagpapabantog pati na sa lugar na kung saan ang pagkaing ito ay nakilala. Tunay ngang tayong mga Pinoy ay malikhain sa mga bagay bagay hindi lamang sa larangan ng sining kundi pati na rin sa larangan ng pagluluto ng pagkaing tunay namang Pinoy na Pinoy.